Maaga ako nakatulog ng gabing iyon, pagod ang mga mata dahil sa kalalaro sa kompyuter. Ako ay nagising sa kakaibang lugar at panahon. Nagkaroon ng digmaan dahil sa pananakop ng isang bansa. Hindi ko man maintindihan, ngunit subalit sapagkat datapwat, patuloy pa rin ang nangyayari.

Moderno ang mga kagamitan pero hindi maipaliwanag kung anong taon ito nagaganap. Paparating na ang mga kalaban na may planong sumugod sa aming tirahan. Kinuha ko ang baril o riple ng aking Kuya (Kuya nalang, 'wag mo ng alamin pa ang totoo niyang pagkatao), na isang Sniper rifle. Dali-dali kong sinilip at inabangan ang mga kalaban. Maraming nakaabang sa aming kinatatayuan, ako ay nagtago at isa-isa silang pinutukan sa kanilang ulo upang hindi na mabuhay pa.

Marami agad akong napatay sa mga oras na iyon, mga anim pataas siguro. Nung una ay hindi ko alam gamitin ang baril, pero nang simula ako magpaputok, ako ay biglang naging komportable sa paggamit, para bang Counter-Strike.

Dumarami ang mga kalaban, parang hindi sila nauubos. Ako ay naglakad-lakad at nakakita ng isang gusali. Inakyat ko ito hanggang sa pinaka-itaas nito. Doon ako nag-abang at nagulat sa dami ng kalaban na may kasama pang mga kakaibang nilalang. Mukha silang tao na may taas na pito hanggang sampung talampakan. Mahirap silang patayin, kailangan ay dalawang bala ng baril bago sila bawian ng buhay.

Patuloy ang pagsugod ng mga kalaban na para bang hindi sila nauubos. Agad akong bumaba ng gusali at tumakbo patungo sa aming tirahan. Paubos na ang aking mga bala at nagtanong ako sa aking Kuya kung mayroon pa siyang ibang baril na may scope. Inabutan niya ako ng isang riple na maliit na bala ang ginagamit, akala ko nung una ay bala ng shotgun.

Natuwa ako dahil alam kong malakas ito kontra sa mga kalaban. Sinubukan ko ito kung gumagana sa pamamagitan ng pagbaril sa bintana palabas ng bahay nang biglang may dumaang tren na humarang sa direksyon ng bala. Tuloy-tuloy lang ang tren, ngunit subalit sapagkat datapwat, hindi ako nagdalawang isip at tinuloy ko ang pagputok ng baril na walang iniisip kung sino man ang tamaan. Pero masama pa din ang aking kalooban, ako ay nagaalala sa taong masasaktan.

Bukod sa dalawang baril na aking mga nabanggit, mayroon pa akong isang natatanging baril, ito ang Colt M1911A1. Makikita ang larawan nito sa itaas, at ito ang paborito kong baril sa lahat. Nagpalit muna ako ng damit at nagsuot ng sinturon upang doon ko ilagay ang aking mga baril. Dalawang baril ang aking hinanda, ang huling ibinigay ng aking Kuya at ang Colt M1911A1. Dagdag kaalaman, ang Colt M1911A1 ay ang baril na gamit ni Dean Winchester sa TV series na Supernatural.

Ang bala ng aking Colt M1911A1 ay 12mm, pero sa palabas na Supernatural, calibre .45 ang ginagamit nito. Ewan ko ba, pati ako naguguluhan, Kingina lang. Kaunti na din ang bala ng baril na iyon, kaya nagtanong muli ako sa aking Kuya kung may bala pa siyang 12mm. Tinignan namin ang mga natatagong bala ng aking ama, ngunit subalit sapagkat datapwat, sa kasamaang palad, 9mm lang ang aming natagpuan. Ako ay nalungkot dahil hindi ko magagamit ng matagal ng paborito kong baril.

Ilang sigundo lamang sa kalagitnaan ng aming paghahanap ng bala, bigla nalang ako nagising sa katotohanan. Kingina, ang sabi ko sa aking sarili. Panaginip lang pala iyon, bakit pa ako nagising, sana doon nalang ako. Pero naisip ko din na wala akong kakayanan makabalik pa sa aking panaginip, maliban na lamang kung perpekto ko na ang Lucid Dreaming. Marahil, nadala lang ako ng aking nilalaro na Assassin's Creed kaya ganito ang nangyari sa aking panaginip. Nakakapanghinayang, Kingina lang. Gusto ko pa iyon ipagpatuloy pero wala na akong magagawa pa.